20 June 2011

Kwentong Pambata

isang araw, may isang batang naglalakad sa gubat. ang pangalan n'ya ay Cedie. masayang nagkakandirit at naglalaro si Cedie habang nasa gubat ng may makita s'yang isang kuneho. namangha s'ya sa ganda ng kunehong ito. maputi, makinis ang balahibo, at talaga namang kyut na kyut. sa pagkamangha, sinundan ni Cedie ang kuneho. tumakbo palayo ang kuneho pero sinundan ito ni Cedie. maya-maya pa ay tumigil din ang kuneho at tumingin kay Cedie. napangiti si Cedie sa pagkakatingin sa kanya ng kuneho; lalo n'yang nagustuhan ang ganda nito.

"anong pangalan mo?" tanong ni Cedie.

ngumiti lang ang kuneho. ngiti na para bang nangungusap.

lumapit si Cedie sa kuneho. ngayon, hindi na tumakbo ang kuneho. binuhat ito ni Cedie at kinarga. "ang ganda naman ng balahibo mo," sabi n'ya. naglakad-lakad si Cedie sa kabahaan ng kagubatan habang himihimas-himas ang kuneho. laking gulat na lang ni Cedie ng bigla itong lumundag at nanakbo.

hinabol ni Cedie ang kuneho. makalipas ang ilang minutong habulan, tumigil din ang kuneho. nagulat si Cedie sa nakita n'ya. dinala pala s'ya ng kuneho sa tabing-ilog.

maliwanag pero hindi mainit ang sikat ng araw sa tabing-ilog. malamyos ang tinig ng mga punong dahan-dahang sumasabay sa ihip ng hangin. may kinang ang tubig na dumadaloy sa ilog habang nakangiti ang iba't ibang kulay ng bulaklak at maliliit na halaman sa tabi nito. masarap ang haplos ng damo sa paa at binti ni Cedie, habang ang mga ulap naman, tila maliliit at malalambot na tumpok ng bulak, at malayang umaagos sa asul na langit.

namangha si Cedie sa nakita n'ya. ang ikinagulat n'ya pa, sa bawat kurap n'ya, nagbabago ang mga kulay ng mga bulaklak at halaman sa paligid n'ya. dilaw. asul. berde. pula. lila. papalit-palit, paiba-iba, pero maganda. pinuntahan ni Cedie ang ilog at hinawakan ang tubig... malamig. nagtampisaw si Cedie at naghilamos, parang musmos na naliligo sa ulan.

"ang sarap naman nito!" sigaw ng sigaw si Cedie habang naglalaro ng tubig. pagtingin n'ya sa kuneho (na nakita n'yang tumakbo sa ilalim ng puno) ay lalo s'yang nagulat.

wala na ang kuneho... bagkus ay may nakita s'yang isang matipunong puting kabayo nakatayo sa ilalim ng puno, sa eksaktong lugar kung saan nakapwesto ang kuneho kanina.

managha sa ganda ng kabayo, nilapitan ito ni Cedie. maamo ang kabayo. maganda ang tikas. malinis ang balahibo. ilang ulit na ibinukas-sara ni Cedie ang mata n'ya ngunit hindi s'ya nagkakamali ng nakikita. umupo bahagya ang kabayo, na para bang inaaya s'yang sumakay.

sumakay si Cedie sa likod ng kabayo, at dahan dahan itong lumakad. naramdaman ni Cedie ang malamig na ihip ng hangin sa kanyang mukha at katawan. hanggang sa pabilis ng pabilis ang takbo ng kabayo. ngunit hindi natatakot si Cedie. nararamdaman n'yang hindi s'ya mapapahamak sa likod ng kabayo.

mabilis na takbo. malamig na ihip ng hangin. makulay na mga bulaklak. malumanay na awit ng mga puno. paulit-ulit na parang isang plaka. masayang-masaya si Cedie sa paglalaro nila ng puting kabayo. hanggang sa magdahan-dahan ito sa paglakad at tuluyang tumigil.

bumaba si Cedie sa kabayo at nag-inat ng bahagya.

"salamat, maraming salamat," sambit ni Cedie. "sana ayos lang sa'yo na bukas ay maglaro ulit tayo."

at sa harapan mismo ni Cedie, nagpalit-anyo ang puting kabayo at nagbalik sa pagiging kuneho. tumitig ito sa kanya, ngumiti, at tumakbo palayo. pinulot ni Cedie ang isang bagay na tila sinadyang iwan ng kuneho... isang maliit na puting bulaklak.

simula noon, araw-araw na pinuntahan ni Cedie ang kagubatan, at sinasalubong naman s'ya ng kuneho. masaya sila naglalakad sa kahabaan ng kagubatan. bagama't hindi na ulit sila nagpunta sa tabing-ilog at hindi na muling nagpalit-anyo ang kuneho bilang kabayo, masaya si Cedie na mayroon na s'yang kaibigan sa gubat.

isang araw, nagmamadali at masayang-masayang nagpunta muli sa gubat si Cedie, kasama ang pananabik na makita muli ang kuneho. laking gulat na lamang n'ya ng makita n'ya ang kuneho na may kasamang ibang bata. tinawag n'ya ito at lumingon naman ang kuneho. ngunit tuloy lang sila sa paglakad. sinundan ni Cedie ang kuneho at ang bagong batang kasama nito, hanggang sa mapansin na lamang ni Cedie na nasa isang pamilyar na lugar s'ya... sa tabing-ilog. ngunit ngayon, parang normal lang ang lahat. walang sigla ang sinag ng araw, ang awit ng mga puno, ang daloy ng tubig, at ang kulay ng mga bulaklak. pagtingin n'ya sa puno kung saan nagpalit-anyo ang kuneho ay napangiti s'ya ng makita na nakatayo ang puting kabayo. ngunit nalungkot s'ya ng nakita n'yang sumakay dito ang bata at tuluyan s'yang iniwang nag-iisa sa tabing-ilog.

napaluha si Cedie. nawala sa kanya ang kunehong itinuring n'yang kaibigan at nagpasaya sa kanya ng maraming beses sa kagubatan. malungkot s'yang naglakad pauwi ng maalala n'ya ang bulaklak na ibinigay sa kanya ng kuneho. dinukot n'ya ang kanyang bulsa upang kunin ito, ngunit lalo s'yang nalungkot sa kanyang nakuha.

wala na ang puting bulaklak sa kanyang bulsa... bagkus, ito ay naging isang maruming bato... kasama pa ang ibang maruruming bato na naipon sa kanyang bulsa...

4 comments:

  1. maka hulugan ang iyong kuwento. Very impressive. Ngunit, ito'y may ibig sabihan.. Maaaring sa buhay mo at karanasan..
    Malungkot ang wakas ng kuwento. Sana makatagpo ulit ng isang kuneho o kaya ibon na sasakay si Cedie at lilipad kung saan sya magiging masaya..

    Minsan masakit isipin na wala na ang isang kaibigan na nandyan lagi sa tabi mo. Ipinapakita ang kasayahan ng buong mundo. Ngunit ito'y hindi maiituring na isang kaibigan kung iiwan ka lamang sa huli..

    I was touch with the story.. Saan simple lang ang buhay.. Sana wala ng options to make.. Sana perfecto lang ang lahat. pero hindi.. That what makes as strong and live life to the fullest..

    Pangalawang beses ko nang nabasa ito.. Ngayon lang ko may time to give my comment.. Well done!

    ReplyDelete
  2. Well, it is obvious that there is a underlying message in this, probably an indirect way of venting your current mood and situation.

    For whatever it's worth, this too shall come to pass.

    ReplyDelete
  3. It's quite a shame na kakaunti lang ang nag-comment dito. This is a ver well-written, creative, meaningful piece. Maliban sa obvious na metaphor ito ng pag-ibig o pagkakaibigan, meron pa akong ibang naiisip na maaaring interpretesyon ng kwento. Multi-faceted. :)

    All in all, kumusta ka na ba, Kenneth? :) (Kenneth din pala pangalan ko)

    ReplyDelete