31 December 2012

BoyShiatsu Year-End Special

huling araw na ngayon ng 2012, at bukas at 2013 na, although pinaniwala tayo na ang huling araw ng mundo ay nung 21st. ang astig na sana kung yun nga ang totoong last day ng mundo... yun din kasi yung araw ng company outing namin sa enchanted kingdom! imagine kung anong klaseng takot (at lafftrip!) ang naramdaman namin ng sumakay kami sa space shuttle ("shit, may matatanggal na turnilyo sa riles ng shuttle, tapos sasabit yung tren dun, then tatalsik tayo at mamamatay!"), anchors away ("masosobrahan sa lakas ng swing yung barko, magiging 360 degrees turn, so malalaglag lahat tayo!"), flying fiesta ("makakalas yung mga kadena ng mga swing, tapos sa sahig, may mga zombies nang nag-aabang sa atin!"), jungle log jam ("diba may namatay na dito? may mamamatay daw ulit... tayo!"), ekstreme (dire-diretso na daw na aangat yung cabin papuntang heaven. at least sa heaven ka mapupunta!"), at rio grande rapids (imagine kung kumukulong tubig yung ginamit nila dito... o kaya dugo!"). yan, yan ang kalokohan ng mga ka-opisina ko! tapos, yung fireworks display daw sa gabi, instead na explosives, mga asteroids daw! pero natapos ang araw na walang nasirang sasakyan, walang nabalitang namatay, at walang asteroid na nagpakita. so tama nga ang hinala namin... amalayer ang mga mayans! hindi totoong end of the world nung 21st. at mali din yung una naming assumption na baka filipino time lang ang "sundo" kaya medyo na-delay. ibig sabihin, tuloy ang buhay. at eto na nga, bukas, tatawid na naman tayo sa panibagong taon. pero bago ako tuluyang mag "i love you, goodbye" sa taong 2012, pagbigyan nyo po akong balikan ang ilan sa mga highlights ng taong 2012 ko.

malupit sa akin ang taong 2012... malupit sa magandang paraan. malupit hindi dahil gusto nya lang mag-powertrip. malupit kasi may gusto syang magandang resulta na makamit. at masaya ako kasi karamihan naman sa magandang resulta ay nakamit ko sa taong ito. maraming bago sa akin sa taong ito, at malaking-malaki ang epekto sa akin ng mga pagbabagong ito.

isa sa pinakamalaking highlight ng 2012 ko ay ang pag-usbong ng artistic side ko. performing arts is one of my biggest passions, and napakaraming binigay na opportunities ng taong ito para mas palawigin (naks! ang lalim ng word! palawigin!) ko pa ang talento ko sa larangan ng performing arts. unang-una sa listahan ang Sipat Lawin family na gumawa ng Battalia Royale. mula sa pagiging nobody  at totally-unrelated-person (ni wala nga akong napanood sa first run ng show sa ccp eh!), naging fan ako ng palabas, hanggang sa naging super fan, then naging part ng "official" fan group, then naging volunteer, hanggang sa naging official part ng production team... at nabigyan pa ako ng pagkakataon na maging part ng cast! (for the mini-show, aka fragment). nandyan din ang SPIT Manila, and pareho din yung story cycle ko. from someone who has no idea what the show is, i became a one-time audience, hanggang sa naging regular audience, hanggang sa naging feeling close (and, luckily, naging close nga!) na fan sa mga performers. for their september rookie month, i was given a chance to perform with them. at ito ngang buwan na ito, kinuha nila ulit ako to join two shows in bonifacio global city! amazingly unbelievable! ngayong taon ding ito nagsimula ang hosting stint ko para sa rockeoke showdown sa restaurant ng boss ko. this year din, naging active na member ako ng dance troupe ng call center company where i stayed for a few months. at nagkalat din sa buong taon ang mga panaka-nakang hosting gigs, turo ng sayaw, brainstorming for storylines, at naging cast pa ako sa isang infomercial video, with matching flyers and online campaigns! sa taong ito, naranasan ko kung paano maging artista... at sana ay tuloy tuloy na!

roller coaster ride din ang yuppie life ko ngayong taong ito. sa simula ng taon, nagkaroon ako ng mga problemang financial, kasama na ang sunod-sunod na kamalasan pagdating sa pera at kalusugan. kaya nagdesisyon ako na talikuran ang pagiging full-time pokpok at muling harapin ang mundo ng isang empleyado. bumalik ako sa call center makalipas ang halos isang taon... baka sakaling namimiss na sya ng katawan ko. kaso, talagang isinusuka na sya ng sistema ko eh. at bagamat generally ay masaya ako sa unang call center ko sa taong 2012, napilitan akong mag-resign dahil na naman sa isang maliit na bagay... unharmonious working relationship between me and my team leader. (actually, hindi pala sya maliit na bagay!). dahil wala naman akong ibang trabahong pwedeng pasukan, pumasok na naman ako sa isa pang call center (kahit alam kong ayaw na ayaw na ayaw na ayaw ko na!). pero ilang buwan lang, at sumuko na naman ako. para bang kahit anong mindsetting ang gawin ko, talagang nirereject na ng buong pagkatao ko (mula ulo hanggang ingrown) ang pagiging call center agent. kaya laking pasalamat ko na nabigyan ako ng pagkakataon na magpalit ng career path. isang kaibigan kong businessman ang nag-offer sa akin na maging personal assistant nya. kaya mula sa pagiging kaibigan, boss ko na sya. mula sa pagiging customer service representative, naging dakilang alalay ako. mula sa fixed 9-hour workday 5-day workweek, naging super irregular ang working hours ko, depende sa schedule ni boss. mula sa halos 5-digit salary per cutoff, ngayon eh halos kalahati lang ang nakukuha ko kada sweldo. parang ang pangit pakinggan, pero sa totoo lang, masayang-masaya ako sa trabaho ko. kasi dito, hindi ako nakakahon, at hindi ko kailangang magpanggap na ibang tao. nagiging totoo ako sa sarili ko. hindi de-minuto ang kilos ko. hindi limitado ang pwede kong gawin. sa halip, ine-encourage (at minsan, nire-require!) akong mag-isip outside the box, under time pressure, with a lot of factors to consider. talagang nababatak hanggang sa kahuli-hulihang hibla ang utak ko. paminsan-minsan, may mga bagay akong kailangang matutunan sa maikling panahon. to adapt to this fast-paced and challenging working environment, kinakailangan kong mag-isip ng mga paraan at taktika para mapadali ang trabaho, makapagproduce ng resulta, at mag-cause ng malaking impact sa business. dito, ramdam na ramdam kong malaking bahagi ako ng kompanya kahit na "alalay" lang ako. nandyan na rin ang mga pagkakataon na kailangan kong humarap at mag-sales pitch sa mga nakatataas sa mga kompanyang kliyente namin, o kaya ay makipag-chika-chika sa mga kilalang personalities, at sa isang pitik ay kailangang kaya mong makipag-negotiate sa mga "masa"... define flexibility! not to mention na meron na rin akong sariling desk at sariling work laptop computer (kesehodang ubod ng bagal at walang battery, kaya kailangang palaging nakakabit ang power cord)... astig! sa taong ito, naranasan kong maging TOTOONG working yuppie... at sana ay tuloy tuloy na!

naging marka rin ng taong ito para sa akin ang travel. unang buwan pa lang ng taon, nagkaroon na agad ako ng pagkakataon na pumunta sa cagayan valley! (seryoso, before i went there, i have no idea where it is!). nakadalaw ulit ako sa puerto galera nung holy week ngayong taong ito, at kasama rin sa listahan ng mga lugar na napuntahan ko ang boracay, clark, spiral buffet, world trade center, batangas, cultural center of the philippines, star city, bistro filipino, enchanted kingdom, dumaguete, resorts world, sm moa director's club cinema, cash and carry, makati medical center, the newly-renovated bed bar, museo pambata, xavierville subdivision, pansol, sycip park, luneta, nbc tent, at isang karinderya na ang pangalan ay "motolite"! kahit na minalas na hindi makakuha ng passport ngayong taon (dahil sa mga lintek na id's!), masaya pa rin at marami-rami akong bagong lugar na napuntahan, at ibang lugar na nabalikan. sa taong ito, naranasan kong maging manlalakbay... at sana ay tuloy tuloy na!

kung usapang kalusugan at pera naman, medyo challenging pa rin sya this year. pero pagkalipas ng samu't saring money shortage, ilang paper bills na nawala, dalawang cases ng vertigo na nangailangan ng bed rest, mahigit tatlumpung piraso ng gauze pads para sa pitong ulit na pagdalaw ni Peggy, a chipped front tooth, ilang beses na ubo, sipon, at lagnat, at maraming beses na overspending, heto't natawid ko naman ang 2012 na kumpleto pa ang katawan at may wallet na may laman. hindi pa rin ako nakapagbukas ng savings account, at hindi pa rin ako nakapag-invest sa ilang mga long-term properties, pero sa taong ito, natutunan at nalaman ko ang tunay na halaga ng pera at kalusugan... at sana ay tuloy tuloy na!

malaki rin ang improvement ng social life ko ngayong taon. dahil na rin sa mga bagong ventures and activities ko, nagkaroon ako ng mga bagong circles of acquaintances and friends. na-rekindle din ang friendship ko with some high school friends, salamat sa aming 10th anniversary. isa pang naatanging kwento na may kinalaman sa social life ko this year ay ang aking controversial lovelife, at ayoko nang maglagay ng iba pang detalye. pero siguro ang pinaka-importanteng pagbabago sa social life ko this year ay ang pagkakaroon kong lakas ng loob na, finally, dalawin at kausapin ang tatay ko. naramdaman ko na lang na hindi na healthy para sa akin at sa amin ang sama ng loob na nararamdaman ko, at oras na para wakasan yun. nagkita at nagkausap ulit kami matapos ang maraming taon. nagkaayos? i'm not sure. may awkwardness pa rin pag magkatabi kami, lalo na nung pasko. pero, pasasaan ba't darating din yun. proud ako sa sarili ko sa pagkakaroon ng tapang na bitawan na ang mabigat na pasaning ito. sa taong ito, naranasan kong muli ang maging kabilang ng isang pamilya, isang barkadahan, isang samahan... at sana ay tuloy tuloy na!

sa dami ng mga blessings na natanggap ko ngayong taong ito, isang aspeto ng buhay ko naman ang may malaking pagkukulang... ang pagiging BoyShiatsu ko. ngayong taon, higit na kaunti ang naging kliyente ko kumpara ng mga nagdaang taon. ibig sabihin, mas kaunti ang kita. mas malaki ang porsyento ng mga one-time customers kaysa sa regular clients, at aaminin ko na marami ring hindi 100% satisfaction services. kaunti na lang din ang nag-i-inquire thru text at email (may mga araw pa nga na wala akong natatanggap na inquiries!). at ultimo dito sa blog, tumamlay ako. from 90 entries last year, ngayon eh naka-57 lang ako (kasama na itong entry na ito). honestly, nalulungkot ako. kasi kahit anong pagtatambling-tambling pa ang gawin ko, bahagi na talaga ng buhay ko ang pagiging BoyShiatsu ko eh. it's something na minahal ko na at parte na ng kabuuan ko. kaya kapag tumamlay o humina ito, nababawasan ang kabuuan ko. pero, okay lang... siguro talagang destined lang ang taon na ito na maging weak year for BoyShiatsu. and, looking at a positive angle, mas maraming opportunities to improve this aspect of my life next year! nakaka-excite!

ang sarap balikan ng tatlong daan at animnapu't anim na araw na nakalipas, kasama na ang mga tawa, iyak, takot, galit, libog, gutom, at kung anu-ano pang emosyon... at ang mga leksyon na kalakip nito. ngayon na nakita ko kung gaano ka-fruitful ang 2012 ko, sangkatutak na energy at excitement ang makakasama ko mamaya sa pagsasayaw sa kalsada ng ayala kasama ang mga kaibigan, na susundan ng sabay-sabay na pagbilang ng huling sampung segundo ng taong 2012, at isang magalak na pagsalubong sa taong 2013, lalo pa't sabi sa feng shui ay swerte daw ang year of the ox ngayong year of the water snake.

ikaw, kumusta ang 2012 mo? alam kong marami ka ring hindi makakalimutang mga pangyayari sa buhay mo, maganda man o pangit, ngayong taon na ito. naway wag mong kalimutang bitbitin ang mga masasayang ngiti, maiingay na halakhak, makabuluhang learnings, bagong discoveries, at ang newly-improved version of you sa pagtawid natin sa panibagong taon.

ako po si BoyShiatsu, bumabati sa inyo ng isang ligtas at masaganang bagong taon!

3 comments:

  1. ang galing naman ng pagkakasulat...

    rainheart

    ReplyDelete
  2. Happy New Year to you Boy Shiatsu. I really like how you reflected on the past while looking forward to what is ahead of you. Sana nga tuluy-tuloy na ang katuparan ng mga magagandang pangarap at para sa aming mga tapat mong mambabasa, marami pang kuwento ng buhay na tanging ikaw lamang ang masayang makapagsusulat. Sana makilala kita ng personal balang araw, makamayan, makakuwentuhan, makapagpasalamat...

    ReplyDelete
  3. Happy new year Boy Shiatsu!Looking forward sa mga entries mo this year.xoxo

    ReplyDelete