27 November 2014

Ten Percent Golden Anniversary

una sa lahat, ikinararangal kong sabihin na limang taong gulang na ang BoyShiatsu! yehey!!

*insert confetti, balloons, and other party supplies here. isama na rin ang drum and lyre band ng kung ano mang public elementary school. at ang tarpaulin, wag kalimutan!*

limang taon na pala akong nagkukwento ng kung anu-anong karanasan ko bilang isang pokpok, limang taon ng pagkiliti sa imahinasyon at kaisipan, pagkurot sa puso at emosyon, pag-alog sa utak at kuro-kuro, at pagpigil ng ihi at libog ng mga mambabasa kong hindi ko maintindihan kung bakit binabasa pa rin nila ang blog ko kahit wala naman talagang kakwenta-kwenta ang mga pinagsasasabi ko at ni hindi man lang ako maimbita sa mga blog conferences at hindi pa rin napaparangalan bilang "one of the best blogs in the metro" na syang katunayan na kung ihahambing ako sa linya nina Professional Heckler, Manila Gay Guy, Corporate Closet, The McVie Show, o Fashion Pulis ay isa lang akong sabaw na gawa sa pinakuluang beef cubes habang sila naman ay special beef wanton mami na kumpleto sa rekados at gulay na nabanggit sa kantang bahay kubo at may kasama pang siopao asado.

gusto mong patunay na sabaw ako? ni hindi ako marunong gumamit ng tuldok. yup, tuldok. period. the indication of the end of a sentence. yung last paragraph ko, isang sentence lang yan. isa lang ang period. so isang thought lang dapat yan (unless it's a compound sentence, thus a colon or a semi-colon must have been used). technically, kung babasahin, dapat one breath lang, with minor pauses on commas. sige, basahin mo ulit yung last paragraph in one breath. and allow me to be the first to extend my condolences to your family. haha! kaya wag mo na lang subukin. kakaunti na lang kayong readers ko, mababawasan pa! hehehe...

teka, liwanagin ko lang ha. una sa lahat, malaki ang respeto ko sa mga bloggers na nabanggit ko sa sentence-slash-paragraph ko kanina. saludo ako sa kanila, at pinaninindigan kong maituturing talaga silang mga special beef wanton mami na kumpleto sa rekados at gulay na nabanggit sa kantang bahay kubo at may kasama pang siopao asado. ayun. pakiramdam ko lang ay kailangan kong linawin yun, baka ma-misinterpret eh.

pangalawa... visitor count? site hits? aysus! hindi naman mahalaga sa akin kung marami ang nagbabasa ng mga isinusulat ko eh (wag lang naman bokya, ang saklap na nun!). ang importante sa akin ay makapagkwento, kwento-kwento lang ng kung anu-ano, pero sa pagtatapos ng kwentuhan ay dapat may naiwan akong impact. maganda man o pangit, malakas man o mahina, makabuluhan man o hindi, basta may impact. may tatak. may bitbit ang tagabasa pagkatapos. ilang minutong tawanan o ilang patak ng luha. tuwa, lungkot, awa, pagkainis, takot, o kahit galit. basta may impact. pag alam kong nagagawa ko yun, masaya na ako. dahil kahit sabaw lang ako na gawa sa pinakuluang beef cubes kumpara sa ibang bloggers, alam ko sa sarili ko na bawat entry na isinusulat ko ay pinagsisikapan kong lagyan ng laman. hindi man kasing-rami ng gulay sa bahay kubo, pero at least may nangunguya ka pa rin habang humihigop. may naiiwan pang tinga paminsan-minsan pag sinuswerte. ikaw na lang ang mag-abono para sa siopao, hehe...

pero seryoso, bilang isang blogger, ang gusto ko lang ay makapagbahagi ng sarili ko sa pamamagitan ng pagkukwento. masarap para sa akin ang mai-share ko kung ano nga ba ang kulay at hitsura ng mundo para sa mga katulad kong pa-arkila kasi alam kong hindi lahat ng tao ay nakikita ito sa kung paano ko ito nakikita, na s'yang kadalasang ugat ng mga maling pagkakakilala, opinyon, at panghuhusga sa mga katulad ko. stigma and prejudice, iyan ang sinusubukan kong basagin at burahin sa bawat kwentong isinusulat ko. ngayon, kung di man sya mabasag dahil sa mga mas malalalim na dahilan gaya ng pagkakaiba ng kultura o tradisyon na nakalakihan, pagkakaiba ng relihiyon o pananaw sa pulitika, pagkakaiba ng basehan ng katotohanan ayon sa mga pansariling karanasan, o pagkakaiba ng mobile network provider (syet, useless ang unli!), okay lang yun. kasi paniguruhan, nagkaroon pa rin naman siguro ng palitan ng opinyon at pananaw. kahit papaano, may napulot ka pa rin na pwede mong bitbitin at may iuuwi ka pa ring tinga na pwede mong paglaruan habang nasa byahe ka pauwi (maliban na lang kung maarte ka at hindi ka namumulot ng mga bagay-bagay. o sya, ikaw na ang anak alta sosyodad! hehe...). ayan, ayan ang talagang nakakapagpasaya sa akin, at sa bawat pagkakataon na na-a-achieve ko yun, tumataas ang respeto ko sa sarili ko bilang isang manunulat at bilang isang tao.

TEKA MUNA!!! ANONG NANGYAYARI?!?! ANO TO, RECOLLECTION?!?! PA-DEEP MASYADO ANG PEG!!! hinga muna... relax... inhale, outhale, inhale, outhale... tapos sun salutation, then downward facing dog, then warrior stance one and two... tapos tagay ng isang shot ng absinthe... ayaaannn... so, good vibes na ulit? good... proceed!

kung makapag-inarte naman ako, akala mo naman eh talagang life-changing ang mga kwento ko. at akala mo kung sinong regular magsulat, hahaha! ewan ko ba, iba talaga ang lakas ang kapangyarihan ng katamaran eh, ang hirap labanan. kung sino man ang nagsabing ang pinakamahirap kalabanin sa buhay ay antok... malamang masipag yun. hehehe...

pero eto, usapang maayos na. ngayong umabot na ng limang taon ang blog ko, kesehodang sunod-sunod ang post ko or madalang pa sa pagbisita ng Santo Papa sa bansa natin, achievement ko nang maituturing to. at bukod sa pagiging achievement, inspirasyon na rin to sa akin para huwag magsawa (at huwag tamarin!) sa pagkukwento. five years dude. isipin mo, forty five years na lang, golden anniversary na! nakaka-ten percent na ako! yehey!!!

*insert confetti, balloons, and other party supplies here again. kahit wag nyo na patugtugin ulit yung drum and lyre, pakainin nyo na lang, malamang gutom na yun. pakilabas na lang yung cdr-king na speaker, sakto kakadownload ko lang ng mga Martin Garrix tracks*

at bilang pagdiriwang ng ikalimang taong anibersaryo ng BoyShiatsu... ayan, bagong look! groovy orange since paborito kong kulay yan, para bagong source of energy! panimula yan sa mga susunod pang taon ng kwentuhan at kulitan habang kumakain ng special beef wanton mami with all the etceteras. and pramis, mas magiging madalas na ang pagkukwento ko ngayon. oo, alam ko ilang beses ko na prinamis yun, basta this time, pramis na pramis na talaga, cross my heart, hope to die, save, super save, do not erase, lock, double lock! kaso, eto lang, di ko pa afford magbayad ng webmaster para pagandahin ang blog, kaya palit palit na lang muna ng color scheme and some layout stuff. kahit nga pamalit sa telepono kong handa nang mag-rest in peace, wala eh. pauso naman kasi yung phone ko, mag "self-install" ba naman ng "cobweb wallpaper" (aka: nabasag ang internal lcd, see photo below). kawawa naman ako, magbebertdey pa naman ako in two weeks (uyyy... parining parinig! hahaha!) wala pang pera eh, wala pa kasing trabaho. kaya mas may time na talaga ako magsulat, pero sa next entry ko na idedetalye yung tungkol sa kawalan ko na naman ng trabaho. basta sa ngayon... HAPPY TEN PERCENT GOLDEN ANNIVERSARY, MGA KA-BS!!!

PS: yung pambayad sa drum and lyre band, pakipaluwalan mo muna. balik ko sayo sa pasko. tenkyu tenkyu, ang babait ninyo!


oh, ano ka? wala ka sa wallpaper ko! hehehe...

No comments:

Post a Comment