sampung taon makalipas ilabas ang kantang ito, nakakatuwang isipin na mula sa pagiging estranghero sa paksa ng kanta ay naging "pucha! akong-ako to ah!" song ko ito. pero ano nga ba para sa akin ang isang motel.
isang bagay na ikinamamangha ko sa motel ay ang pagkakataon na ibinibigay nito para maging totoo ka sa sarili mo. o para maging ano mang karakter na gusto mo. pwede mong ilabas ang tunay na kulay mo, o magpanggap bilang isang tao na pinangarap mo. at lahat ng ito, magagawa mo ng hindi ka natatakot na mahusgahan, pagtawanan, kutyain, irapan, kuwestiyunin, o pasaringan ng ibang tao. maaari kang mabuhay sa isang mundo na gusto mo, ihiwalay ang sarili mo sa totoong mundo, kahit sa loob lamang ng ilang oras.
at iyon ang masakit na part dun. na bagamat papasok ka sa loob ng motel upang makaranas ng masayang mundo na pinapangarap mo, darating at darating ang oras na kailangan mo nang mag-checkout at lisanin ang imahinasyong mundong hinihiling mo na sana ay totoo at harapin ang totoong mundong hinihiling mo na sana ay guni-guni o isang masamang panaginip lang.
ng napanood ko ang video na ito, natawa ako sa mga karakter na ipinakita. pero hindi iyon yung tawang putangina-sobrang-lafftrip-ang-sakit-na-ng-tiyan-ko-at-tutubuan-na-ako-ng-abs na tawa. iyon yung tawang kapiraso lang, yung tipong mga apat na syllable lang, pagkatapos ay bigla kang mapapatahimik kasi may naisip ka. in my case, pagkatapos ng apat na syllable ng tawa, napatahimik ako dahil sa naisip ko... minsan sa buhay ko, naging ako ang mga karakter na ito... all of them.
inosente.
baliw.
pokpok.
bakla.
kabit.
adik
yuppie.
tv junkie.
lahat sila, may kanya-kanyang pakay sa pagpunta sa motel. lahat sila, may kanya-kanyang pinagdadaanan. at lahat yun, napagdaanan ko na. isama pa natin ang iba't ibang karakter na kailangan ko ring bigyan buhay sa loob ng apat na sulok ng kwartong may menu, aircon, porn channels (na kadalasan ay kasunod ng mga church channels), maliit na sabon, discount card, at wifi access na madalas ay hindi gumagana.
stripper.
boyfriend.
kaharutan.
milkman.
estudyante.
artista.
demonyo.
virgin.
at pagkatapos ng bawat engkwentro sa kung sino mang kasama ko sa loob ng motel, palagi akong naiiwan mag-isa. minsan, mauunang lumabas ang kliyente. minsan naman ay ako ang unang lalabas. minsan naman ay sabay kaming lalabas at kakain. pero sa lahat ng pagkakataong ito, naiiwan akong mag-isa. pagkatapos ng palabas, dumarating ang oras na muli naming tatahakin ang kanya-kanyang buhay... at dun ako nagiging mag-isa.
hindi ko na maintindihan kung ano na ba ang totoo at kung ano na ba ang kathang-isip. basta ang alam ko lang, ayoko nang mag-isa. at kung ang tanging paraan para makamtan yun ay mag-extend ng mag-extend sa bayad sa isang maliit na kwarto sa isang apartelle, isusugal ko na siguro ang lahat ng pera ko... maging ang sarili ko, para lang hindi na ako mag-isa, scripted man o totoo.
natouch ako sa honesty mo. naluha ako, kaunti.
ReplyDeletedumaan din ako sa mga ganitong lugar. ngayun meron na akong kasama sa buhay araw araw.
di ko na babalikan pa ang buhay ko dati.
magiging masaya ka rin :)
nice namn nung music videopati ung song mariposa pala ee isang motel eeh ahaa
ReplyDeleteyou're back.
ReplyDeletedon't forget.
resilience.
Wow. This is one of your best articles. Kahit ako, tinamaan. Galing
ReplyDelete