ang astig ng setup kagabi dito sa compound kung saan kami nakatira ni Jack Frost. may birthday party. hindi lang isa, hindi rin dalawa, kundi tatlo! tatlong magkakaibang party na may kanya-kanyang handa, bisita, at paandar. yung isa, children's party complete with balloons and party hats. yung pangalawa naman, tatay yung may birthday, so mga manginginom ang bisita with matching videoke. tapos yung ikatlo, debut (pero wala namang cotillion). but since kabataan ang mga bisita, parang college party ang peg nila, with matching glowsticks and malalakas na speakers na puro trance at edm ang tugtog. at bilang hindi naman kalakihan yung common area nitong compound, royal rumble talaga ang kinalabasan! labu-labo na. for one night, naging instant Metrowalk ang compound namin. pero ang inaakala naming isang sure-fire recipe for a disaster... aba! it wasn't! actually, sobrang ang saya pa ng kinalabasan! medyo weird nga lang dun sa part na kumakanta ng "happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!" yung mga bata sa children's party ay may sumasabay na "kabilin-bilinan ng lola, wag nang uminom ng serbesa, ito'y hindi inuming pambata, magsopdrinks ka na lang muna" sa videoke ng mga lasenggo at meron pang "tugs tugs tugs tugs ten ten tenen tenen ten tenen tugs tugs tugs tugs" sa party ng mga tinedyer. in short, it's Happy Birthday Song featuring The Teeth and David Guetta. astig!! natapos ang gabi ng mapayapa at matiwasay. masaya naman lahat. walang batang nalasing, walang tatay na nag-emo tungkol sa lovelife, at walang dalagang nag-tantrums.
ang galing no? alam n'yo kung bakit? kasi tatlo yung party. hindi dalawa. hindi rin apat. tatlo. at, sa maniwala kayo't sa hindi, may kakaibang kapangyarihan ang numerong iyon.
ayaw mong maniwala? halika, explain ko sa'yo basta open-minded ka. don't worry, hindi ito networking.
pag kukuha ka ng litrato, pwedeng tutok, pindot, tapos! pero ang mga photographers, hindi basta ganun. sa photography kasi, may tinatawag na rule of thirds. iyon yung nagiging guide nila sa tamang framing ng subject na kinukunan nila. yun din ang magiging gabay para ma-achieve nila yung effect na gusto nila sa litrato. yung depth, drama, balance... yung mga yun, sa rule of thirds umiikot.
punta naman tayo sa storytelling. di ko alam kung may exact term ba for it, pero kung gusto mong mag-build ng climax sa kwento mo in an interesting way, rule of 3s din. gamitin natin yung Three Little Pigs as example. (oo, yung kwento ng tatlong baboy na walang mga magulang at wala rin namang mga trabaho pero afford nilang magpatayo ng tig-iisang bahay).imagine kung dalawa lang sila... ang boring ng kwento diba? walang thrill! ngayon, imagine mo naman kung apat sila... ang boring din nun kasi masyadong mahaba. sakto lang yung tatlo sila. kasi sa ganung paraan, nabibigyan ng sapat na tensyon yung kwento para lalong ma-excite ang mga mambabasa pero di mo naman pinapatay yung atensyon nila to the point na tatamarin na silang tapusin ang kwento.
sa sports din, malaking bahagi ang numer 3. halimbawa, sa baseball... 3 strikes and you're out. sa volleyball naman, hanggang tatlong beses lang dapat matamaan ng koponan n'yo ang bola bago mailipat sa kabilang team (maliban na lang kung iba-block mo... ikaw na ang magaling!). at para mas maintindihan mo kung gaano kalakas ang impact ng number 3 pagdating sa sports, maghanap ka ng taga-UST tapos kumustahin mo yung Game 3 ng UAAP men's basketball... ay, nako, tiyak, mararamdaman mo talaga yung malakas na impact. pwedeng sa ulo, sa pisngi, o sa sikmura.
marami pa akong pwedeng ibigay na example, pero ayoko nang ikwento kasi hindi ko masusunod ang rule of thirds. baka tamarin ka pang tapusin itong entry ko, or worse eh baka makatanggap pa ako ng malakas na impact sa ulo, sa pisngi, o sa sikmura.
pero, isipin mo... ang galing no? isang number lang s'ya, pero parang ang laki ng nagiging papel n'ya sa kung papaano nagiging balanse pero exciting at hindi boring ang buhay... nakaka-amaze.
three. tatlo. tres.
which reminds me...
tatlong tulog na lang mula ngayon, bertdey ko na. TATLONG TULOG!
maaabot ko na ang dulo ng kalendaryo sa loob ng tatlong araw. TATLONG ARAW!
in three days, i'm going to hit the big three-zero! THREE DAYS!
whoah! teka lang. tatlong araw? ang bilis lang nun. you can't even consider it as half-a-week. WAAAAHHHHH!!!
eh ano ngayon? malamang napapatanong kayo kung bakit masyado akong concerned about it. eto...
una... wala pa rin akong matinong trabaho at hindi ko pa masasabing "stable and steady" na ang buhay ko. lumaki ako sa turo ng mga nakatatanda sa akin, gaya ng mga magulang ko, mga naging guro ko, at ni Winnie Cordero, na kapag dumating ka na sa edad na trenta, dapat ay nakapagsimula ka nang magpundar para sa maayos at matiwasay na buhay. yung tipong may sarili ka nang bahay, kaunting assets, at ipon sa banko. ang 20s ay nakalaan para mag-eksperimento ka sa buhay, sumubok ng kung anu-ano, at pumalpak ng ilang ulit ng hindi napanghihinaan ng loob. and as ironic as it may sound, dito pa nga madalas nangyayari ang mid-life crisis. and it's okay. kasi sa ganung edad, hindi mo pa talaga alam kung paano ang takbo ng mundo dahil malamang sa malamang ay kakalabas mo lang mula sa ilang taong pagkakakulong sa eskwelahan. kaya normal lang na wala kang kasiguruhan sa mga ginagawa mo, na di mo alam ang gusto mong gawin, na wala kang matinong priorities in life. pero sapat na naman siguro ang sampung taon para maintindihan mo kung paano ba umiikot ang mundo at paano tumatakbo ang buhay. hindi naman yan derivative at integral calculus na keri lang kahit lumagpas ka sa 10 years. sapat na ang sampung taon ng kawalan ng direksyon para malaman mo kung saan ka pupunta. and once you reach 30, handa ka na para sa napili mong paglalakbay ng wala nang mga palusot na "checking my options" or "testing the waters" or "searching for myself." ang kaso, sa estado ko ngayon, hindi ko masasabing nakita ko na ang direksyon na tatahakin ko. ni hindi ko alam kung ano nga bang gusto kong gawin sa buhay. and, priorities? teka... mag-cr lang muna ako.pero, seryoso, malayong-malayo pa ako sa "stable and steady" na buhay na yun, at hindi sapat ang tatlong araw para makarating, o kahit makalapit man lang, ako doon.
pangalawa... dahil nga wala akong matinong trabaho, wala akong perang pwedeng gastusin para sa bertdey ko. oo na, mababaw na kung mababaw pero nakasanayan ko na kasi talaga na kapag mismong araw ng bertdey ko ay nagcecelebrate ako. dati nga week-long pa eh. di ko alam kung dahil ba yun sa galante ako, o dahil mayabang ako, o dahil talagang nararamdaman ko lang yung pagka-special nung araw kapag mayroong celebration. not necessarily party, pero yung tipong maggagala lang sa mall at kakain sa labas (na hindi jollibee, mcdo, or kfc) kasama ang mga mahal ko sa buhay, okay na sa akin yun. pero ngayong taon na ito, mukhang kahit sa karinderya ay hindi ko madadala ang pamilya ko. dahil wala akong kasiguruhan kung kailan ulit ako magkakapera, minabuti ko nang mamili ng mga ipangreregalo sa kanila sa pasko (isa pang tradisyon na nakasanayan ko na rin). hindi ko na inisip kung wala akong panggastos sa importanteng araw ng buhay ko, kasi mas hindi ko masisikmura na hindi ko mabigyan ng regalo ang pamilya ko sa importanteng araw ng buhay namin. alam ko naman na hindi sila magtatampo at maiintindihan naman nila kung hindi kami makakapaglaboy sa bertdey ko kagaya ng nakagawian na. pero ako... nalulungkot ako para sa sarili ko. nalulungkot ako na hindi ko magagawa sa kaarawan ko ang isang bagay na isang taon kong hinintay. oo, malaking bagay yun para sa akin. well, may tatlong araw pa naman ako... sana magawan ng paraan...
at ikatlo... naaalala ko na ipinangako ko sa sarili ko at sa blog na ito na once i reach 30, ito na ang katapusan ni BoyShiatsu. ito na ang tamang edad para tuluyan nang ilagay at ikandado sa cabinet ang baby oil, bimpo, at travel-size toiletry kit na ginagamit ko sa pagmamasahe. at kasabay na rin nito ang tuluyang pagsasara ng email address ko, twitter account ko, at ang blog account na ito. sabi ko sa sarili ko, hanggang 30 years old lang dapat ang yugtong ito ng buhay ko. dahil sa ganung edad ay mayroon na akong matinong trabaho para sa "stable and steady" na buhay. dahil sa ganung edad ay may sapat na pera na ako para matustusan ang mga pangangailangan at mga luho ko at ng pamilya ko. dahil sa ganung edad ay di ko na yata kakayaning magperform kagaya ng kung paano ako magperform nung kasagsagan ko sa kalakaran. pero, kagaya ng pangako ko sa sarili ko na maayos na buhay at pangako ko sa pamilya ko na masayang birthday celebration, isa rin ito sa mga pangakong hindi ko matutupad. kung tutuusin, malaki ang naitutulong sa akin ng kinikita ko sa pagpopokpok. pangsagot yun sa mga pang-araw-araw na gastusin. at napapagkasya ko naman yun hanggang sa makadiskarte ulit ako ng pera. at yung performance? kaya pa naman siguro. kakayanin. kailangang kayanin. pero sa totoo lang, alam ko sa sarili ko na kahit may matino na akong trabaho at sapat na pera, hindi ko pa rin bibitawan ang pagiging BoyShiatsu ko. bakit? kasi, ako na ito eh. bahagi na ito ng buhay ko at hindi ako ang kung sino ako ngayon kung hindi dahil sa pagiging BoyShiatsu ko. kapag ibinaon ko sa limot ang yugtong ito ng buhay ko, para ko na ring pinatay ang sarili ko. walang ako kung walang BoyShiatsu. at bagama't sa tingin ng karamihan ay hindi ito tama... wala akong pakialam. basta ang alam ko ay nabubuhay ako sa paraang gusto ko at ng walang inaapakang tao.
at ngayon... naisip ko... bakit nga ba ako nagpapaapekto sa kung anong idinidikta sa akin ng lipunan? wala namang batas na nagsasabi na kailangang may sarili ka nang bahay at may ipon ka sa banko sa edad na 30? bakit ko kailangang sumunod sa kung anong inaasahan sa akin ng mga nasa paligid ko kung alam ko naman na wala naman akong ginagawang ikasasama nila? eh ano naman kung hindi pa ako "stable and steady"? eh ano naman kung walang birthday celebration? eh ano naman kung ipagpatuloy ko ang pagiging BoyShiatsu kahit lagpas na sa 30? basta ang alam ko, nabubuhay ako sa paraan na alam ko, kaya ko, at gusto ko habang buong-buo pa rin ang pagmamahal ko sa mga mahal ko sa buhay, ang mga prinsipyong pinaniniwalaan ko, at ang tiwala sa sarili ko? for me, that's "living a life."
haha! ang galing no? ang inaakala kong sure-fire recipe for recipe for a disaster... aba! it wasn't! ang galing talaga ng number 3. may kakaibang power nga!
with that... uulitin ko...
tatlong tulog na lang mula ngayon, bertdey ko na. TATLONG TULOG!
maaabot ko na ang dulo ng kalendaryo sa loob ng tatlong araw. TATLONG ARAW!
in three days, i'm going to hit the big three-zero! THREE DAYS!
handang-handa na ako para sayo! matagal na pala akong handa. so, ano... bring it on, big three!
Ay nanghinayang ako na eto na ang ending.
ReplyDeleteno, it's not the end. yet. ;-)
DeleteHmmmm
ReplyDeleteAny update? :)
ReplyDelete