hindi ko mapigilang umiyak habang nakikita ko si Keno na inaabutan ng diploma sa entablado. suot ang kanyang itim na toga at pulang panel, masayang tinanggap ng anak ko ang kanyang parangal bilang cum laude. matapos ang ilang taon ng pagsusumikap, sa wakas ay nakamit na rin niya ang unang hakbang patungo sa kanyang sariling buhay. masaya na malungkot. masaya, kasi ito na ang hudyat ng pagiging "tao" ng anak ko, panahon upang tahakin nya ang buhay na gusto nya. malungkot kasi ito na ang hudyat ng pagiging "tao" ng anak ko, panahon upang simulan na nya ang lakbay ng buhay nya ng hindi umaasa sa aming dalawa nyang ama.
"congrats kuya!," bati ni Lansten sa kanyang nakatatandang kapatid. "finally, pwede mo nang gawan ng medical certificates ang mga barkada ko pag tinatamad silang pumasok at pinipiling mag-rehearse." lead singer ng isang banda si Lanster, at mas pinili nyang tahakin ang buhay ng isang performer. bagama't taliwas sa kagustuhan ng Daddy Jack nya, hinayaan na lang namin. nagmana pa sa akin ang bunso namin.
"sure. 500 lang per consultation. presyong kapatid. hahaha!" sabay batok sa kapatid nya. kung pilyo si Lansten kagaya ko, si Keno naman ay alaskador kagaya ng Daddy Jack nya. kagaya ng mga normal na magkapatid, madalas mag-asaran at magkapikunan ang dalawang ito. mas malakas mang-asar si Lansten kaysa sa kuya nya, pero dahil tila likas na alaskador si Keno, at siguro dahil na rin siya ang panganay, mas madalas mapikon si Lansten.
haaayy... ang mga anak ko. dati'y mga bulinggit lang na madalas mag-away sa ice cream, ipad, at timezone cards... heto't mas malaki pa sa amin at mga binatang-binata na. sinimulan na ni Keno, at alam kong hindi rin magtatagal ay magsisimula na ring magtayo ng sariling buhay si Lansten. masaya na malungkot. pero ganun talaga eh. bilang ama, tungkulin mong alagaan at gabayan ang mga anak mo hanggang sa dumating ang oras na kaya na nila ang sarili nila.
* * * * *
"will you two just stop the noise?" galit na sigaw ng Daddy Jack nila habang nagtatalo ang dalawang magkapatid.
"hayaan mo na." paglalambing ko kay Jack. "hindi ka na nasanay." patuloy lang ako sa pagda-draft ng marketing strategy for the 3rd and 4th quarter of the year para sa aming resto-bar. "might as well just finish your P.O, last week pa due yan ah."
sa kalagitnaan ng pag-uusap namin ay pumasok si Lansten sa kwarto, umiiyak at hawak ang laruang eroplano na hati sa dalawa.
"daddy, sinira ni kuya..." habag na habag at hihikbi-hikbi pang sumbong sa akin ng batang akala mo ay nag-te-taping para sa teleserye. kasunod naman sa likod nya ang kuya Keno nya.
"i didn't do anything!" sagot ng nakatatanda. "nag-aaral ako then binato ba naman ako sa likod!" paglalahad ng kuya, na noon ay naka-high school uniform pa.
"eh kasi inilipat mo yung tv, nanonood ako eh."
at nagtalo na naman ang magkapatid. at habang nagsasagutan ay naglakad palabas ang dalawa, si Lansten ay papadyak-padyak pa at pikon na pikon, habang si Keno naman ay talagang nang-aasar pa at tawa ng tawa.
"tignan mo nga yang anak mo, manang-mana sayo. imbes na wag nang patulan ang bata, inaasar pa." banat ko kay Jack.
"o, ano namang masama? eh si Lansten itong pikon na pikon. gagawa ng kapilyuhan, tapos napipikon... manang-mana sa isa dyan."
hindi na ako nagsalita... binato ko na lang ng wireless mouse si Jack. nakailag naman ang mokong at tumama sa pader ang mouse, na syang lalo ko pang ikinainis.
"now it's broken."
"kasalanan ko?"
"i hate you."
"i love you."
"ulol!"
* * * * *
isang buwan na lang at due date na ni Pia, ang surrogate na napili namin ni Jack para sa ikalawa naming anak. hindi si Pia ang surrogate ni Keno, who is now 4 years old. hesitant pa si Jack sa idea na magkaroon kami ng ikalawang anak, pero alam ko naman na gusto nya talaga, nag-iinarte lang. bawal naming makita o puntahan si Pia, at ni hindi nga kami sigurado kung yun talaga ang pangalan nya. pero ayun sa coordinator namin, maayos naman daw ang pagbubuntis niya.
habang lumalapit ang mga araw, nakikita kong excited na si Jack. sa bagay, i cannot blame him. it's his sperm cell. Keno is mine, pero for whatever weird reason, mas kahawig nya ang Daddy Jack nya.
hindi ko makakalimutan yung araw na ipinanganak si Keno. the glow in Jack's eyes, kasama na rin yung pinipigil nyang pagtulo ng luha nya. "it's a guy thing," ika nya. pero maya-maya pa, naiyak na rin sya ng unang beses nyang buhatin si Keno.
"buti hindi nakuha ang ilong mo." pagbibiro nya pa sa akin.
"ahahaha! actually, mahal, kamukha mo nga eh."
"magkamukha na rin kasi tayo."
"at tsaka nagpapalitan na rin tayo ng sperm, hahahaha!"
"bastos!"
at ito nga, sa loob ng isang buwan ay muli ko na naman makikita ang picture-perfect na eksenang iyon.
* * * * *
ito na ang araw. magkahalong saya, kaba, takot, pananabik, at excitement. suot ang aking white tuxedo, hindi ko maitago ang galak na finally ay dumating na ang araw na pinakahihintay ko na akala ko noon ay hindi magkakatotoo.
a few touches and retouches, at lumabas na ako sa hotel suite papunta sa garden. nandun at naghihintay na si Jack, looking snappy and, as always, gorgeous in his black tux.
"this is it mahal."
"i know."
"i love you."
"i love you more."
at sinimulan na ang march. nakakatawa nung pinaplano namin itong kasal na ito. hindi namin alam kung paano ang entourage. kung sino ba ang dapat naka-white at naka-black tux. kung sino ang mauuna sa march. kaya naisipan na lang namin na sabay na lang kami.
nauna sa march ang mga parents namin (pinagsabay na rin namin para walang gulo) at sumunod na ang entourage. pinakahuli, bago kami, ay si Sandy, na talaga namang kyut na kyut sa suot nyang tux. nahirapan pa kaming palakarin sya nung una, pero mabuti naman at hindi tinopak sa mismong araw ng kasal. lumakad na kami ni Jack sa red carpet na nakalatag papunta sa nakaset-up na altar habang tinutugtog ng violinist ang "a thousand years." (naks! twilight!). hindi maipinta ang mga ngiti at tears of joy sa mga bisita namin, at lalo na sa aming dalawa.
finally... matapos ang ilang taon ng roller coaster na pagsasama, heto't itinatali na namin ang isa't isa papunta sa panibagong yugto ng aming buhay bilang domestic partners at bilang ama kay Sandy.
* * * * *
nakakalimang minuto pa lang kaming nasa eroplano ay hindi na ako mapalagay.
"hindi ko yata napalitan yung diapers ni Sandy. tsaka baka gutom na yun."
"ano ka ba! 45 minutes lang ang plane ride. makakatiis naman yun."
"eh baka ma-jetlag yun. it's his first time na mag-travel."
"he'll be fine."
papunta kami noon ng bora for our annual after-summer trip, pero ito ang unang beses naming magbibyahe kasama si Sandy.
"things will be different. kahit saan tayo pumunta now, kasama natin si Sandy."
"kaya nga eh. exciting. parang family talaga."
it brought me back to that one day...
"anong ipapangalan natin?"
"Sandy."
"bakit Sandy? eh lalaki."
"bakit, pwede naman yung pangalang Sandy sa lalake ah. tsaka Sandy, kasi dilaw, para Mr Sandman."
"okay."
pagdating sa pagpapangalan sa una naming "anak," ako ang nasunod. pero sa pagpili nun, sya ang boss.
"ayaw mo talaga ng pug?"
"ang pangit eh! ayaw mo naman ng chow chow."
"salbahe nga kasi. cute nga, salbahe naman."
"kaya nga pom na lang."
"oo na, sige na."
matapos ang halos isang oras, nakalapag na kami sa paliparan ng kalibo. at maya-maya pa nga ay nakuha na namin ang cage kung saan ay mahimbing na natutulog si Sandy, hindi man lang nagalaw ang pagkain na nakaprepare sa lalagyan.
"manang-mana sayo, tamad kumain." banat ko kay Jack.
"mas mana sayo, antukin."
* * * * *
sa lahat ng tatay sa buong mundo na humaharap sa pagsubok ng pagpapangalan sa anak...
sa lahat ng tatay na nakikisakay at umuunawa sa kakaibang trip ng kanilang mga kabiyak...
sa lahat ng tatay na nangangakong magmamahal at mag-aaruga sa kanilang asawa hanggang kamatayan...
sa lahat ng tatay na nagpipilit maging "man enough" kahit na naiiyak na dahil sa sobrang kasiyahan...
sa lahat ng tatay na nagtitiis sa away ng kanilang mga anak despite the humongous pressure at work...
sa lahat ng tatay na gumagabay sa mga anak mula sa pagkapanganak hanggang sa dumating ang araw na kailangan mo na silang pakawalan...
sa lahat ng tatay na palaging nandiyan para sa kanilang pamilya, sa kahit paanong paraan, pagkakataon, o tawag ng panahon...
saludo ako sa inyo! maligayang araw ng mga ama!
F4: Fictional Future Father Flashbacks... Copyright, BoyShiatsu, 16jun2013